Patay na nang matagpuan at nakasilid sa sako ang isang 18-anyos na dalaga na tatlong araw nang hinahanap sa Pili, Camarines Sur.
Sa ulat ni Jessica Calinog ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia sa “24 Oras” nitong Martes, kinilala ang biktima na si Irish Mae Payonga, na nakita ang bangkay sa madamo at madilim na bahagi sa Barangay Cadlan sa Pili.
Ayon kay Elaine Payonga, ina ng biktima, nagpaalam noong Oktubre 28 ang anak na pupunta sa isang pagtitipon sa simbahan pero hindi niya pinayagan dahil may bagyo.
Gayunman, tumuloy pa rin ang dalaga.
“May pumunta sa amin sa bahay na mga grupo siguro mga kabataan din, sabi nila na kami yung dapat na kasama ni Irish sa event sa CWC. Sabi ko, hindi sa akin 'yan na-inform ni Irish. Kaya ipinakita sa akin yung screenshot na yung last convo nila na 5:44 paalis na daw ng bus yung message ni Irish. So malamang nakasakay siya ng bus, natuloy siya,” ayon kay Elaine.
Pero makaraan ang huling mensahe, wala nang natanggap na mensahe ang pamilya kaya dumulog na sila sa mga awtoridad.
Pagkaraan ng tatlong araw, nakita ang kaniyang bangkay.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan ng pagkamatay ng biktima.
“Kasi kung sa pisikal po yung katawan po kasi ng victim is in the stage of decomposition so mahirap na rin po makita doon sa pisikal kung may ano or something kasi nga po medyo bloated na po siya gawa ng masamang panahon at maulan," ayon kay Police Major Maria Victoria Abalaing, Camarines Sur PPO.
Isang lalaki naman ang inaresto na hinihinalang sangkot sa krimen.
“Si Irish po mabait na bata, masipag mag-aral. Hindi siya yung batang lakwatsera. School, work yun lang ano niya eh. Bahay, school, church yung ganun lang. Hindi yan mahilig matulog sa ibang bahay kasi very ano yan metikuloso sa gamit, sa tutulugan niya,” sabi ni Elaine.
Nagpasalamat naman ang ama ng biktima na si Rene, sa mabilis na aksyon ng mga pulis. — FRJ, GMA News