QUEZON - Madaling araw nitong Sabado nang magsimulang humagupit sa lalawigan ng Quezon ang bagyong Paeng.

Malakas na hangin na may pabugso-bugsong ulan ang nagparamdam.

Bago mag-alas kuwatro ng umaga ay pinutol na ang supply ng kuryente sa maraming lugar.

Nag-landfall ang bagyo nitong alas-sais ng umaga sa bahagi ng bayan ng Buenavista, Quezon.

Maraming puno ang nabuwal.

 

 

 

May mga bahay pa na nawasak matapos madaganan ng puno.

 

 

 

May pagbaha sa ilang lugar sa lalawigan partikular na sa bayan ng Lopez, Calauag, Gumaca at Bondoc Peninsula.

 

 

 

Naglalakihang alon ang humahampas sa mga baybayin ng mga bayan ng Calauag, Lopez, Gumaca, Plaridel at Atimonan.

 

 

 

Sa mga oras na ito ay passable ang mga pangunahing lansangan sa lalawigan.

Kasalukuyang nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 sa northern at central portions ng Quezon (Pitogo, San Andres, Buenavista, Lucena City, San Francisco, Pagbilao, Infanta, Tiaong, Lopez, Catanauan, Mulanay, Unisan, General Luna, Plaridel, Quezon, San Antonio, Alabat, Candelaria, Lucban, Sampaloc, Padre Burgos, Sariaya, City of Tayabas, Macalelon, Mauban, Dolores, General Nakar, Perez, Agdangan, Gumaca, Atimonan, Real, San Narciso, Guinayangan, Calauag) kasama ang Pollilo Islands, base sa 11 a.m. bulletin ng PAGASA.

Samantala, umiiral naman ang TCWS No. 2 sa nalalabing bahagi ng Quezon. —KG, GMA News