Sikat ang tinatawag na “millenium tree” sa Maria Aurora sa Aurora na isang napakalaking puno ng balete. Ang ilang residente at tour guide, ikinuwento ang mga naranasan nilang kababalaghan dito.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV News nitong Martes, ibinahagi ng tour guide na si Ian Ordona na nakakita umano siya ng isang kapre sa nasabing puno.
Sa laki ng puno, may espasyo rito na maaaring makapasok sa loob.
“Bigla na lang humangin po. At nakakatakot pong pumasok 'pag gabi talaga. Parang mayroon pong konting lagim talaga,” sabi ni Ordona.
Tulad ni Ordona, nakakakita rin umano ang ang tourist guide na si "Balong" ng mga elemento at kaluluwa, tulad ng diwata, duwende, at white lady.
Kuwento niya, isa sa mga hindi niya malilimutang karanasan ay noong nagpakita ang isang batang babaeng pinatay at pinaniniwalaang inilibing sa loob mismo ng puno.
“Mabait naman po siya. Gusto lang po dito. Minsan dumadaan,” sabi niya.
Sinabi naman ni Eni Quiben, na napaglaruan siya ng mga elemento na nakatira sa puno matapos siyang maligaw habang kasama ang mga kaibigan na nag-ani ng mga kalamansi.
“Ang ginawa ko lumingon ako, bakit nasaan na ako. Nakita ko ang layo ko na pala sa Balete. Ang ginawa ko na lang, naalala ko ang sabi nila 'pag naliligaw ka, baliktarin mo ang damit mo. Binaliktad ko tapos nag-pray ako,” ani Quiben.
Ngunit para sa pamilya Ronquello na nakabili sa walong-ektaryang lupain na kinatatayuan puno ng Balete noong 1940’s, kahit minsan ay wala pa silang naranasan o nararamdaman kakaiba sa puno.
Hindi rin daw kababalaghan ang dala nito sa kanila kung hindi suwerte.
“Nasunog na ‘yan noon, hindi siya nasunog. Lalo pa siyang lumaki noong nasunog. Malaking suwerte ‘yan sa aming pamilya dahil nakakatulong maging sa mga taga-rito,” ani Marissa Ronquello, anak ng may-ari ng lupa. -- Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News