Nadakip ng mga pulis sa San Isidro, Nueva Ecija ang isa sa mga top most wanted sa bayan ng Calasiao, Pangasinan dahil sa kinasasangkutan umanong investment scam kung saan aabot sa P100 milyon ang natangay sa mga biktima.
Ayon sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV News nitong Lunes, kinilala ang naarestong suspek na si Paul Amores Rosales, 36-anyos, o mas kilala bilang Seymoure Paul Rosales.
Tubong Calasiao ang suspek pero nadakip sa tinutuluyan nitong tahanan sa Barangay Poblacion sa San Isidro, Nueva Ecija, matapos na magtago ng halos tatlong buwan.
Dinakip si Rosales sa bida ng tatlong warrant of arrests na inilabas ng Calasiao Municipal Regional Trial Court, na nakasaad na mayroon siyang kaso ng 25 counts of estafa.
“Hindi lang po taga-Calasiao, Pangasinan ang biktima nito. Mayroon din po sa Maynila para sa kaalaman ng lahat,” ayon kay San Isidro Police Station Chief Major Shariel Paulino.
Ayon sa awtoridad, nagpapakilala umano si Rosales na isang negosyante upang makahikayat ng mga tao na mag-invest sa kaniya umanong mga negosyo tulad ng piggery, coffee shop at pet shop.
Kapag nakumbinsi niya ang target na biktima, bibigyan daw ito ng suspek ng isang notaryadong kontrata o affidavit bilang patunay sa investment. Ngunit kalaunan ay hindi na umano ibabalik ng suspek ang pera ng mga biktima.
Hindi rin daw pinapasohod ng suspek ang kaniyang mga empleyado.
Humigit kumulang P100 milyon umano ang nakuha ng suspek mula sa 600 investors na kaniyang nabiktima. Bagamat tumanggi siyang magpaunlak ng panayam, sinabi sa ulat na aminado si Rosales sa kinakaharap na kaso.
Mula sa San Isidro Police Station, ililipat si Rosales sa Calasiao Police Station. Mahigit 20 investors na umano ang nakipag-ugnayan sa mga pulis.
“‘Yung mga hindi pa po nagrereklamo, maaari po silang mag-habla doon sa police station na nakakasakop,” ayon kay Paulino. --Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News