Nasawi ang isang rider nang bumangga ang sinasakyan niyang motorsiklo at maipit pa siya sa gulong ng isang bus na nang-agaw umano ng linya ng kalsada sa Malvar, Batangas.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Roylan Requillas, na nagtamo ng matinding pinsala sa ulo.
Idineklara siyang dead on arrival sa ospital.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing patungong sa bayan ng Tanauan ang si Requillas nang pumasok sa linya nito ang kasalubong na bus sa bahagi ng highway sa Barangay San Pioquinto sa Malvar.
Sumalpok ang biktima at naipit pa sa unahan ng gulong ng bus, na minamaneho ni Jose Ryan Agagad.
Ayon sa pulisya, basa umano ang kalsada dahil sa pag-ulan nang mangyari ang insidente.
Nasa kostudiya ng mga awtoridad si Agagad, habang aakuin umano ng kompanya ng bus ang gastusin sa insidente.
"Aayusin naman daw po nila at aaregluhin lahat ng gagastusin. Kaya lang siyempre patay po yung tao kaya ipa-file namin mismo ang kaso po nila, then doon na lang po sila magkakaroon ng settlement sa court," sabi ni Police Major Jonathan Amutan, hepe ng Malvar Police Station.
Hinihingan pa ng pahayag ang driver ng bus at ang pamilya ng nasawi, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News