Isang barangay kagawad sa Indang, Cavite ang nasawi matapos pagbabarilin sa loob ng kaniyang minamanehong jeepney. Ang isa sa mga motibong tinitingnan sa krimen--utang.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Willy Costa, 52-anyos, mula sa Barangay Buna Lejos.

Ayon kay Indang Police Station Chief Police Major Edward Cantano, na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang parte ng katawan ang biktima.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, gagarahe na raw ang  biktima nang bigla siyang lapitan ng suspek na kinilalang si Cerilo Berber.

“Parang nagtatalo base doon sa narinig niya may mga pinag-uusapang utang tapos nagkahamunan. Maya-maya ay narinig na lang doon sunod-sunod na putok,” pahayag ni Cantano.

Nagsasagawa ngayon ng follow-up operation ang mga awtoridad para hulihin ang nakatakas na suspek.

Samantala, sinisikap pang makuha ang pahayag ng pamilya ng nasawing biktima, ayon sa ulat.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA News