Nasawi ang isang mag-asawa matapos umanong sumemplang ang sinasakyan nilang motorsiklo at bumangga sa isang ambulansiya na papalabas ng ospital sa San Carlos City, Pangasinan.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, kinilala ang mag-asawa na sina Elmer at Anita Salvador, residente ng Dagupan City.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sinabing pauwi na ang mag-asawa mula sa dinaluhang birthday party ng isang kaanak nang maaksidente sila sa Barangay Bolingit sa San Carlos City.
Ayon sa anak ng mga biktima na si Erika, nabangga raw ng ambulansiya ang kaniyang mga magulang at dinaanan pa raw ang kaniyang ina.
"Pagpapatuloy ko yung mga naumpisahan mo. Hustisya, ipaglalaban namin iyan huwag kang mag-alala," pangako ng emosyonal na si Erika.
Base naman sa paunang imbestigasyon ng pulisya, posible raw na sumemplang ang mga biktima bago bumangga sa ambulansiya na palabas ng ospital para rumesponde.
Sa tindi ng pagbangga, tumilapon umano ang mga biktima at nagtamo ng matinding sugat sa ulo.
"Palabas lang naman po sila sa ospital, hindi naman po siya mabilis e, palabas lang po siya sa gate kaya sumalpok po yung motorsiklo. Noong nangyari po yung pangyayaring iyon ay katatapos lang din po ng ulan," pahayag ng San Carlos City Police Chief Investigator Police Major Rommel Sembrano.
"May possibility po na hindi niya na-control yung manibela, nag-slide po sila o hindi po nila na-control," dagdag niya.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. Samantalang sinisikap pang makuha ang pahayag ang driver ng ambulansiya, ayon sa ulat.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA News