Nahuli-cam ang pagbagsak ng bahagi ng isang tulay sa Barangay Wawa sa Bayambang, Pangasinan ngayong Huwebes ng hapon. Kasamang nahulog ang dalawang truck. 

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV “One North Central Luzon,” sinabing dakong 3:40 pm nang mangyari ang insidente kanina.

Makikita sa kuha sa closed circuit television (CCTV camera ng tulay na dalawang truck ang magkasunod na dumaan sa bahagi ng tulay na bumigay nang biglang bumigay ang bahagi nito.

Ang isang truck, may karga umanong sako-sako ng mga produkto.

Nasagip naman ang apat na sakay ng dalawang truck na dinala sa ospital.

Sa pahayag ni Bayambang mayor Niña Jose-Quiambao, sinabi sinabi niya nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa Department of Public Works and Highways, at sa iba pang ahensiya kaugnay sa nangyaring insidente.

Ayon sa ulat, ang naturang Wawa bridge ang pangunahing pasukan at labasan ng mga sasakyan mula sa bayan ng Camiling, Tarlac.

Inabisuhan din ng mga awtoridad ang mga motorista na dumaan muna sa mga alternatibong ruta. Patuloy pa umano ang rescue operation.

Inaalam pa ang dahilan ng pagbagsak ng bahagi na tulay at nagsasagawa ng pagsusuri sa kabuuan ng tulay.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA News