Nakita sa mismong araw ng kaniyang kaarawan ang katawan ng batang nalunod sa ilog sa Jaro, Iloilo City. Ang biktima, aksidente raw naitulak sa ilog ng kalaro.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, kinilala ang nasawi na si John Eric Gallo, na magdiriwang sana ng kaniyang ika-10 taong kaarawan nitong Miyerkules, ang araw na nakita ng isang mangingisda ang kaniyang katawan sa ilog na bahagi ng Barangay Hinactacan sa bayan ng La Paz.

Napag-alaman na Lunes ng hapon nang tangayin ng tubig sa ilog sa Barangay Cubay, Jaro ang bata matapos na aksidenteng naitulak daw ng kaniyang kalaro.

Labis ang paghihinagpis ng pamilya sa nangyari kay John Eric, na Grade IV pupil, at panganay sa tatlong magkakapatid. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA News