Isang matandang tindero ng ice cream sa Davao City ang naloko matapos bayaran ng pekeng P1,000, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes mula sa GMA Regional TV One Mindanao.
Ayon sa kaibigan ng biktima, isang binata ang bumili ng P300 halaga ng ice cream at nagbayad ng P1,000. Sinuklian siya ng tindero ng P700.
Nalaman lang daw ng biktimang si Dionisio Amok na peke ang P1,000 nang i-remit niya ito.
Dahil nag-viral ang video ni Amok ay marami ang tumulong sa kaniya.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, kailangang gamitin ang "feel, look, tilt method" para malaman kung totoo o peke ang matatanggap na perang papel.
Agad din daw i-report kung may matatanggap na pekeng pera para mahuli ang nasa likod nito. —KBK, GMA News