Nahuli-cam ang pagsalpok ng isang malaking truck sa bakod ng isang simbahan at pumasok pa sa loob ng bakuran nito sa San Ildefonso, Bulacan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV “One North Central Luzon” nitong Miyerkules, nakuhanan sa closed circuit television (CCTV) camera ang pagtama ng cargo truck sa bakod ng simbahan.
Hindi pa ito huminto at nagdire-diretso hanggang sa loob ng bakuran simbahan.
Sa lakas ng pagbangga, nagiba ang bakod at lumikha ng malaking usok ang truck.
Ayon sa Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office (MDRRMO) na rumesponde sa insidente, sugatan ang driver ng truck na tumalon bago dumiretso ang kaniyang sasakyan sa compound ng simbahan.
“Ang first (assessment) ay nakatulog ang driver pero sa investigation sa nangyari may iniiwasan according doon sa kapitan mismo,” pahayag ni Officer Kiron Viudez ng San Ildefonso-MDRRMO.
Sa Botolan, Zambales naman, isang lalaki ang malubhang nasugatan nang nakasalpukan ng minamaneho niyang garong ang isang bus sa Barangay Batonlapoc.
“Ayon doon sa initial investigation natin, ‘yung kulong-kulong suddenly cross tapos ayun nabangga siya ng bus na papuntang south direction,” ayon kay Police Senior Master Sergeant Joy Daclison ng Botolan Police Station.
Samantala, nasugatan naman ang apat na pasahero ng isang bus matapos na tumagilid sa Kilometer 24 sa Atok, Benguet.
Ayon sa pulisya, biyaheng Baguio, Mountain Province ang bus na may sakay na mahigit 20 pasahero nang bigla itong mawalan ng preno.
Idinagdag ng pulisya na basa ang kalsada na dahilan kaya naging madulas ang daan. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA News