Isang lola sa Minglanilla, Cebu ang pinagnakawan at pinagsasaksak umano ng isang  14-anyos na babae na ilang araw niyang kinupkop sa bahay.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing duguan ang 65 anyos na si Lorita Estal, nang matagpuan sa kaniyang bahay sa noong Huwebes ng tanghali.

Nagtamo ng limang saksak sa katawan ang biktima na agad namang isinugod sa ospital.

Ayon sa pulisya, ang 14-anyos na kaklase ng apo ng biktima ang suspek sa krimen. Dahil mula sa broken family ang suspek, nag-alok daw ang biktima na manatili muna ito sa bahay para masubaybay kaugnay sa pag-aaral.

Ninakaw din nito ng suspek ang alahas at cellphone ng biktima na umaabot ang kabuuang halaga sa P100,000.

Sa isinagawang follow-up operation, nahuli ng mga awtoridad ang menor de edad na suspek. Nakuha sa kaniya ang cellphone ng biktima at P10,000 cash.

Tinitingnan ng mga awtoridad ang mga closed circuit televison (CCTV) sa lugar upang malaman kung may kasabwat ang dalagita sa paggawa ng krimen.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA News