Isang guro natagpuang patay at may mga saksak sa katawan sa loob ng stockroom ng isang paaralan sa City of Naga, Cebu.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV nitong Martes, sinabing wala nang buhay nang makita ang biktimang guro na si June Leo Pañares, 33, sa loob ng stockroom ng City of Naga Integrated Center for Science, Technology, Culture and Arts noong Linggo ng hapon.

Nagtamo ng mga saksak sa katawan si Pañares na isang isang high school teacher sa paaralan.

Nakita sa CCTV footage na may mga kasamang lalaki ang biktima bago ang insidente. Patuloy pang inaalam ng pulisya ang motibo sa krimen.

“Last niya na text ay mga kabarkada niya ho, mga 9 o’clock.” pahayag ni Police Lieutenant Colonel Junnel Caadlawon, City of Naga Police Station Chief.

Nag-alok na rin ng P50,000 reward money ang local na pamahalaan sa makapagtuturo sa salarin.

Naghihinagpis ang kapatid ng biktima sa sinapit nito. Ayon naman sa isang bantay ng paaralan, nakita pa niya ang motorsiklo ng biktima noong Sabado ng hapon pero wala ito kinagabihan.

Pansamantala namang sinuspinde ang klase sa paaralan habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa nangyaring krimen.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA News