Patay ang dalawang mangingisda matapos umanong tamaan ng kidlat habang sakay ng kanilang bangka sa Boac, Marinduque.

Sa ulat ni Mark Lavaro ng GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Bunganay.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na sana ang mga biktima matapos pumalaot nang mangyari ang insidente.

Naisugod pa ang mga biktima sa pagamutan pero idineklara na silang dead on arrival.

Naiuwi na ang kanilang mga labi sa kanilang mga tahanan.

Nakaligtas naman ang isa nilang matapos makatalon agad sa dagat mula sa bangka.

Wala itong tinamong sugat at nakauwi na rin sa kanilang tahanan.

Dahil sa nangyari, mahigpit na nagpaalala ang mga awtoridad sa mga mangingisda na huwag munang pumalaot kapag masama ang panahon upang hindi na maulit ang insidente.

“Patuloy pa rin po ‘yung gagawin naming pagpapaalala na kung medyo may kasamaan ang panahon na huwag munang pumalaot at iwasan na muna. Makinig po sa forecast ng ating PAGASA,” sabi ni Boac MPS deputy chief of police Police Lieutenant Ruel Reforma.

Sinusubukan pa na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng mga nasawing mangingisda, ayon sa ulat.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News