Binaha at nawalan ng kuryente ang ilang bahagi ng lalawigan ng Cagayan dahil sa malalakas na ulang dulot ng bagyong Neneng.
“Out of 16 barangays, mayroong totally flooded, at partially flooded. Mayroong lagpas tao ang baha. May ilan na nasa bubong na,” pahayag ni Michael Villamin, Department of the Interior and Local Government (DILG) officer sa bayan ng Santa Ana, Cagayan sa panayam sa Super Radyo dzBB nitong Linggo ng umaga.
Dagdag pa ni Villamin, tumaas ang tubig baha sa ilang lugar sa lalawigan simula pa noong Sabado ng gabi.
Sa hiwalay na panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi namani ni Cagayan Governor Manuel Mamba na binaha noong Sabado ng gabi ang ilang lugar sa Aparri, Buguey, at Santa Ana.
Nagpatupad ng preemptive evacuation sa ilang bahagi ng Aparri, Baggao, at Allacapan.
Samantala, binanggit din ni Villamin na nakatanggap sila ng mga ulat ng dalawang pagguho ng lupa sa bayan ng Santa Ana.
Nasira rin ang ilang bangka ng mga mangingisda, ayon pa sa opisyal ng DILG.
“Dahil din sa epekto ng bagyong Maymay noon na nagdala rin ng mga pag-ulan sa loob ng halos isang linggo ... naipon ang tubig tapos sinabayan pa ng bagyong Neneng ngayon at nagkaroon pa ng high tide kaya may mga lugar na binaha,” ani Villamin.
Binanggit din ng opisyal na gumamit ng rubber boat o water vessel ang mga rescuer upang maabot ang mga residente sa mga binahang lugar.
Batay sa mga inisyal na ulat na kanilang natanggap, sinabi ni Villamin na nasa 155 pamilya ang dinala sa mga evacuation centers at nangangailangan ng relief goods.
“Nangangailangan ng relief packs lalo na para sa mga matinding binaha... May ilan na apektado maging ang kanilang kabuhayan,” aniya.
Dagdag pa ni Villamin, nawalan ng kuryente sa ilang bahagi ng Cagayan dakong 3:30 p.m. nitong Sabado.
Batay naman sa video ng isang netizen na ibinahagi ng Cagayan Provincial Information Office sa Facebook, umabot hanggang baywang ang tubig baha sa Purok 6, Lablabig sa bayan ng Claveria nitong Linggo ng madaling araw.
Makikita rin sa isa pang video ang pagtaas ng tubig ng Palawig River sa bayan ng Santa Ana nitong Linggo ng madaling-araw. Umabot na ang tubig sa Palawig Detour Bridge.
"Yung Cagayan River namin, hindi naman lumaki. Dito lang po sa northernmost towns ng Cagayan ang dire-diretso ang pag-ulan kaya may preemptive measures na ginawa sa evacuations,” saad ni Mamba.
Sa kabutihang palad, wala namang naiulat na nawawala o namatay sa Cagayan dahil kay Neneng, ayon pa sa gobernador.
Samantala, sinabi ng pinuno ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na si Sheena Talla na ilang kalsada sa pitong barangay ng Buguey, Cagayan ang hindi madaanan ng mga maliit na sasakyan dahil sa abot hanggang tuhod na tubig baha.
Binanggit din ni Talla na humingi na sila ng tulong sa Philippine Coast Guard para ilikas ang mga apektadong residente.
Aniya wala namang naitalang landslide sa munisipyo, pero may ilang lugar ang naapektuhan ng pagkawala ng kuryente.
Sa ngayon, wala ring naulat na nasawi sa Buguey, dagdag pa ni Talla.
Sa hiwalay na panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office head Ruelie Rapsing na 12 munisipalidad at 52 na mga barangay ang binaha nitong Linggo, ayon sa kanilang datos.
"Tumigil naman na ang pag-uulan at lumiwanag na ang kalangitan namin. Wala na ring pabugso-bugsong hangin. ‘Yun nga lang po, iniwan kami ng [bagyong Neneng] maraming tubig dito sa amin at ngayon pa lang nagsisimulang magbabaan ‘yung mga ibinuhos na tubig mula sa kabundukan,” ani Rapsing.
“Hindi pa maayos ang mga outlet natin dito para mabilis na bumaba ang tubig,” dagdag pa niya.
Nang tanungin kung may mga kritikal na lugar sa lalawigan, sinabi ni Rapsing na ang mga residenteng nakatira sa mga bayan ng Ballesteros at Claveria ay nangangailangan ng agarang rescue operations.
“Magkakahilera naman po sila. ‘Yung nabaha noong 2019, halos buong District 2 ng Cagayan ‘yun. Ito rin po ang mga bayan na ‘yun at kapag naipon ang [tubig baha] mukhang mauulit ang 2019 scenario natin. Kaya kahapon pa lang nag-deploy na tayo ng mga asset,” paliwanag ni Rapsing.
“Pero ang preemptive evacuation sa sinasabi natin sa local, eh hindi rin naipatupad. Hindi agad nakapag-desisyon para mag-preemptive. Kaya ngayon pa lang tayo maglilikas ng mga kababayan natin,” saad pa niya.
Batay sa 8 a.m. situational report ng Cagayan Provincial Information Office nitong Linggo, nasa 2,003 pamilya o mahigit 6,911 indibidwal ang apektado ng pananalasa kay Neneng sa lalawigan.
Nag-landfall ang bagyong Neneng sa Calayan Island, Cagayan nitong Linggo ng 3:50 a.m., ayon sa PAGASA.
Isinailalim sa Tropical Wind Cyclone Signal No. 3 ang katimugang bahagi ng Batanes at Babuyan Islands habang TCWS No. 2 ang itinaas sa nalalabing bahagi ng Cagayan. —LBG/KG, GMA News