Isang lalaki na nagpunta sa huling gabi ng lamay ng isang patay sa kanilang lugar sa Malasiqui, Pangasinan, ang siya namang paglalamayan matapos siyang patayin sa saksak gamit ang icepick.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon, kinilala ang biktima na si Federico Poquis, 71-anyos.
Ang suspek umano sa pananaksak kay Federico ay isang lalaking may kapansanan.
Ayon sa pulisya, nasa lamay ang biktima nang magkaroon ng kaguluhan sa pagitan niya at kapatid ng suspek.
Pauwi na ang biktima nang sundan siya ng suspek. Makikita sa ilang kuha ng CCTV footage ang nakahandusay na biktima sa Barangay Aliaga, at ang pagtakas ng suspek na nakasakay sa tricycle.
“Itong biktima, nagkaroon ng alitan. May last night kasi ng patay doon, nagkaroon ng alitan doon sa kapatid ng suspek. Ngayon, na-pacify siya. Noong pauwi na itong biktima ay sinundan ng suspek,” sabi ni Malisiqui Police Station chief Police Lieutenant Colonel Jose Abaya II.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng biktima.
Sinusubukan pa na kuhanan ng pahayag ang kaanak ng suspek, na patuloy pa rin pinaghahanap ng mga awtoridad, ayon sa ulat.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News