Patay ang dalawang menor de edad sa naganap na sunog sa bulubunduking bahagi ng Sitio Libis, Barangay Tanauan, Plaridel, Quezon nitong Biyernes.

Base sa report ng Plaridel Municipal Police Station, iniwan ng kanilang ina ang dalawang bata sa kanilang kubo upang manguha ng gulay.

Pagbalik umano ng ina, nadatnan na lamang niyang natupok na ang kanilang bahay, pati na ang kanyang dalawang anak.

Kwento ng ina, mahilig daw maglaro ng cigarette lighter ang ang kanyang panganay na anak. Posible raw na muli na naman itong naglaro ng lighter na pinagmulan ng apoy.

Ayon pa sa mga pulis, yari sa light material ang bahay kung kaya’t mabilis itong natupok.

Malayo rin daw ito sa kabahayan at walang kapitbahay kung kaya’t wala halos nakaalam na mayroong sunog.

Kinilala ang dalawang nasawi na sina Lorenzo, at Reynan Dela Cruz.

Tinatayang aabot sa 3 libong piso ang halaga ng ari-ariang natupok. —LBG, GMA News