Napukaw ang damdamin ng isang guro matapos hindi inaasahang malaman ang mga mabibigat na pinagdadaanan ng kaniyang mga estudyante sa Masbate, tulad ng paghihiwalay ng kanilang mga magulang o gulo sa pamilya.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras," sinabing gustong mas makilala pa ni Teacher Mecca Derla ang kaniyang mga estudyante sa Masbate Comprehensive High School sa klaseng komunikasyon.
Kaya naman sa unang araw ng klase, pinasulat niya ang mga mag-aaral tungkol sa kanilang mga karanasan.
Nagsulat ang mga estudyante ng mga masasaya nilang karanasan, pero ikinagulat ni Teacher Mecca ang mga malulungkot din nilang karanasan, tulad ng paghihiwalay ng kanilang mga magulang.
Masayahin at makukulit pa man din ang kaniyang Grade 11 students, kaya napukaw siya na may mabigat pala silang pinagdaraanan.
"Hindi ko po inaasahan na halos karamihan pala sa students na hawak ko ay naghiwalay ang kanilang mga magulang o karamihan din naman sa kanila, iniwan ng kanilang papa. 'Yung iba naman ay naghiwalay pagkat magulo na nga ang kanilang pamilya," sabi ni Teacher Mecca.
Ganito raw ang mga sagot ng 30 sa 50 estudyante ni Teacher Mecca.
Hindi pa naglalabas ng bagong datos ang Philippine Statistics Authority kung ilan sa pamilyang Pilipino ang naghiwalay na ang mag-asawa.
Base naman sa Office of the Solicitor General, mahigit 100,000 marriage cases na ang isinampa mula 2009 hanggang 2021, karamihan ay nullity of marriage, annulment at legal separation.
Pero ayon kay UP Professor Josephine Dionisio ng Department of Sociology, mas marami pa ang bilang nito, dahil bawal sa bansang Pilipinas ang diborsyo at magastos ang annulment.
Kaya naman basta naghihiwalay na lamang ang mga mag-asawa.
Bukod dito, walang batas na nagsasaad sa mga responsibilidad at obligasyon ng magulang sakaling maghiwalay sila, kaya naapektuhan ang mga anak.
"Karaniwang nagsa-suffer economically 'yung mga babae. Either sila 'yung paalisin sa bahay o mapuputulan ng sustento kasi nga, walang batas na magtitiyak ng kanilang kapakanan," sabi ni Prof. Dionisio.
"Dahil doon nahirapan sila. 'Yung iba ay tumigil pa nga sa pag-aaral. 'Yung iba pa nga ay medyo hindi na nakakakain. 'Yung iba pa nga ang kaniyang mama ay nag-OFW dahil sila na lang magkakapatid ang magkakasama sa isang tahanan," sabi ni Teacher Mecca.
"That it be cleared to the children, that they do not get to stop being loved by their parents. That they have nothing to do o wala silang kinalaman sa hindi pagkakasundo ng mga magulang. Hindi kasalanan ng mga bata," sabi ng child psychologist at pediatrician na si Dr. Joseph Regalado.
"Refocus on other things. Importante to strengthen the faith as well, hindi ka made-define ng kung sino ang tatay mo, nanay mo o kung magkasama sila, hindi iyon nade-define sa iyo. It's what you make out of yourself," dagdag ni Dr. Regalado. —LBG, GMA News