Naaresto na ang apat na suspek sa pananambang sa isang guro sa Bangued, Abra. Umamin umano ang mga ito na napag-utusan lang silang itumba ang biktima sa halagang P100.000.00.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, sinabing Miyerkules ng umaga habang papasok sa eskuwelahan nang tambangan ang biktimang si Rudy-Steward Dugmam Sayen, 38.
Sakay noon ng motorsiklo si Sayen nang barilin siya ng mga salarin na nakasakay din sa motorsiklo.
Kinilala ng awtoridad ang mga nadakip na suspek na sina Sonny Boy Tullas, Abelardo Talape, Aldrin Alagao, at Rommel Paa, ang gunman.
Nakatulong ang mga kuha ng CCTV sa iba't ibang lugar sa ginawang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Nakita rin ang lugar kung saan nila iniwan ang baril na ginamit sa krimen. Nabawi rin ang dalawang motorsiklo na sinakyan ng mga suspek.
Ayon sa mga suspek, napag-utusan lang sila na patayin ang biktima sa halagang P100,000.00.
Sinabi ni Police Colonel Maly Cula, Director-Abra Police Provincial Office, kamag-anak ng biktima ang lumalabas na utak sa krimen.
Hindi muna tinukoy ang pangalan ng umano'y mastermind pero kasama na siya sa mga sinampahan ng kasong murder.
Away sa lupa na minimina ang lumilitaw na motibo kaya ipinapatay ang biktima.
"Ang lupa na 'yon ay pag-aari ng pamilya, na allegedly minimina nitong mastermind yung lupa na pinapatigil ng biktima na ikinagalit ng tinatawag nating mastermind," paliwanag ni Cula.
Wala pang pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News