Ilang buto ng mga yumao ang kumalat matapos masira ang kanilang nitso at ang bahagi ng pader sa isang sementeryo sa Batangas City dahil sa paglambot ng lupa dulot ng pag-ulan.

Sa ulat ni Denice Abante sa Regional TV News nitong Huwebes, sinabing limang bahay din sa tabi ng sementeryo ang bahagyang napinsa sa Barangay Kumintang Ibaba.

Ang paglambot ng lupa dahil sa mga pag-ulan ang nakikitang dahilan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, kaya nasira ang mga nitso at ang pader.

Isang kaanak ng nakalibing sa sementaryo ang nagtungo sa lugar para alamin ang sitwasyon sa lugar. Kabilang ang nitso ng kaniyang mahal sa buhay ang nasira at may nakita siyang mga buto pero hindi siya makatiyak kung buto ito ng kanilang yumao.

Makikipag-ugnayan ang CDRRMO sa tanggapan ng engineering at sanitation department para sa pagsasaayos ng sementeryo.

Kailangan din maabisuhan ang mga kaanak ng mga nakalibing sa sementeryo na nasira ang nitso.--FRJ, GMA News