Nauwi sa pambubugbog ang umano'y pambu-bully ng isang menor de edad na estudyante sa kapuwa niya menor de edad na estudyante at sa kapatid nito sa South Cotabato.
Sa ulat ni Jestoni Jumamin sa Regional TV News nitong Lunes, makikita sa amateur video ang kaguluhan sa labas ng Surallah National High School sa bayan ng Surallah.
Sa naturang insidente, pinagtutulungan na umanong bugbugin ang magkapatid na estudyante. Suspek ang isang menor de edad na estudyante kasama pa umano ang ama nito, kapatid at ilan pang kaanak.
Pero bago ang kaguluhan sa labas ng eskuwelahan, nauna nang nagkaroon ng sigalot sa suspek na menor de edad na estudyante at sa biktimang estudyante.
Ayon sa lola ng magkapatid na estudyanteng nabugbog na si Eden Malaga, binully muna ng suspek ang kaniyang 16-anyos na apo.
"Sa flag ceremony sila sa school tapos binully siya ng Grade 11 student. Sinabihan siya na pangit daw ang damit, tapos mura daw ang mga damit, tapos masyadong pangit daw. At napahiya siya sa mga kaklase niya pero hindi niya pinansin," kuwento ng lola.
Pero sa lunch break binalikan umano ng menor de edad na suspek ang biktima at naghamon ng suntukan. Doon na nagkaroon ng kaguluhan, at maging ang iba pang estudyante ay makikita sa video na nagrarambulan din.
Ipinatawag kaagad ng pamunuan ng eskuwelahan ang mga sangkot na estdyante at nagkaayos umano.
Pero nang uwian na, muling nagkagulo sa labas ng paaralan at doon na pinagtulungan ng menor de edad na suspek, kasama ang ama, at iba pa nitong kaanak, ang magkapatid na estudyanteng biktima.
Ayon kay Helen Malaga, ina ng mga biktima, masakit para sa kaniya na makita ang kaniyang mga anak mo pinagtutulungan.
Sinabi naman ng pulisya na patuloy na pinaghahanap ang ama ng menor de edad na suspek na sinampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse.
Ibinigay naman sa kostudiya ng kinauukulang ahensiya ang mga menor de edad na sangkot sa kaguluhan.--FRJ, GMA News