Isa ang patay, at isa ang sugatan matapos silang saksakin ng kanilang kainuman na nag-iiba raw ang ugali kapag nalalasing sa Buenavista, Quezon.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, kinilala ang nasawing biktima na si Ariel Dilen, 48-anyos, habang nasugatan naman si Edgardo Siclos, 59, kapuwa ng Barangay Bagong Silang.
Ayon sa pulisya, lumitaw sa kanilang imbestigasyon na nagpaalam ang suspek na si Fernando Andrade sa kaniyang mga kainuman na sandaling aalis.
Pero nang magbalik, may dala na siyang balisong at inundayan ng saksak ang mga biktima. Napuruhan sa tinamong saksak sa tiyan si Dilen na kaniyang ikinamatay.
Hindi pa matukoy ng mga awtoridad kung bakit sinaksak ng suspek ang mga biktima.
"Itong suspek po ay parang may ugali na may 'galas' 'pag nalalasing. May galas po, yung nag-iiba ang ugali kapag nalalasing. Dahil ito po'y nakatira sa mga iba't iba pong barangay gunun po ang ugali," ayon kay Police Major Edmond Capistrano, hepe ng Buenavista Police station.
Tumakas ang suspek matapos ang krimen pero nahuli rin siya sa isinagawang operasyon ng mga pulisya makaraang may makapagturo sa kaniyang kinaroroonan.
Ayon sa pulisya, nagsisisi raw ang nakakulong na suspek sa nagawang krimen.
Sinusubukan pang makuha ang pahayag ng suspek at mga kaanak ng mga biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News