Nasawi ang isang 19-anyos na criminology student matapos sumailalim umano sa hazing ng isang fraternity sa isang pamantasan sa Davao City.
Sa ulat ni Cyril Chaves ng GMA Regional TV Cagayan de Oro sa Unang Balita nitong Martes, kinilala ang biktima na si August Ceazar Saplot, na nagtamo ng malubhang pasa sa hita.
Posible raw itong resulta ng paghataw sa kaniya ng isang matigas na bagay, base sa mga awtoridad.
Dinala rin sa ospital ang isang estudyante na nagtamo naman ng sugat sa iba't ibang parte ng katawan.
Lumabas sa pag-iimbestiga na nangyari ang umano'y initiation sa Upper Mandug nitong Linggo ng hapon.
Nag-collapse raw ang biktima sa kalagitnaan ng initiation.
Dinakip ang walong suspek na mga miyembro ng Alpha Kappa Rho Fraternity Alpha Delta Chapter, samantalang nakatakas ang anim pang miyembro ng fraternity na nagdala umano ng paddle na ginamit sa initiation.
May pagkakakilanlan na ang pulisya sa mga tumakas na mga suspek.
Nanawagan naman ang kaanak ni Saplot ng hustisya.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Law, samantalang nakatakdang isailalim sa autopsy ang mga labi ng biktima.
Ayon sa University of Mindanao, kinokondena nito ang nangyaring hazing na kinasasangkutan ng ilang fourth year students ng College of Criminal Justice Education.
Ipinagbabawal na ang fraternities matapos ipatupad ang Anti-Hazing law, at hindi rin kinikilalang organisasyon sa unibersidad ang nasabing fraternity.
Nakiramay ang unibersidad sa mga kaanak ni Saplot, at nangangakong magbibigay ng tulong sa mga ito at sa isa pang biktima na naka-confine sa ospital. —Jamil Santos/KG, GMA News