Kabilang ang isang ina sa mga naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya laban sa online kalaswaan. Ang ina na naaresto sa Bulacan, mismong apat na anak na menor de edad umano ang ibinubugaw.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing naaresto ang ginang sa isang entrapment operation sa San Jose del Monte sa Bulacan.

Samantala, sa Leyte naman naaresto ang isa pang babae na sangkot din sa online kalaswaan. Nasagip sa naturang operasyon ang dalawang menor de edad.

Napag-alaman na dati ring nakatira sa Bulacan ang suspek bago lumipat sa Leyte.

Sa isa pang operasyon sa Taguig City, limang menor de edad na biktima ang nasagip ng mga awtoridad nitong Huwebes.

Ayon sa pulisya, ang mga naaresto ay mga tinatawag na "facilitator" sa bansa ng online sexual abuse and exploitation na mga bata ang karaniwang biktima.

Kabilang umano sa mga kliyente ng mga suspek ay mga dayuhan na nasa Amerika, Europe, at Australia.

Mahaharap ang mga suspek sa paglabag sa RA 11930 o the Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act.

Sinusubukan pang makuha ang pahayag ng mga naaresto, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News