Sinalakay ng mga awtoridad ang isang bagong bukas na bilyaran na bisita ang billiard legend na si Efren "Bata" Reyes sa Sto. Tomas City, Batangas.
Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang pagsalakay ng mga pulis nitong Martes ng gabi sa Barangay San Pablo.
Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon na hindi nasusunod COVID-19 health protocols sa labas ng bilyaran na makikita ang pagkukumpulan ng mga tao habang naglalaro si Reyes.
Pero nang isagawa ang pagsalakay, natuklasan na rin ng mga awtoridad na may nangyayari umanong pustahan.
Nakakumpiska umano ang mga awtoridad ng P14,000 na perang pangtaya sa pustahan.
Nilinaw naman ng mga awtoridad na hindi alam ni Reyes ang nangyayaring pustahan.
Pinauwi rin ang billiard legend matapos na maimbitahan sa police station.
Ipinaliwanag naman ni Police Leiutenant Colonel John Eric Antonio, OIC, Sto. Tomas City Police station, na bahagi ng kanilang proseso na kapkapan ang mga tao sa mga isinagawang operasyon para tiyakan na wala itong kontrabando.
Umabot naman sa 19 katao ang inaresto, kabilang ang isang menor de edad, na mahaharap sa reklamong paglabag sa illegal gambling.
Ayon sa pulisya, nandoon lang sa bilyaran si Reyes bilang panauhin sa pagbubukas ng naturang establisimyento.
Matatandaan na noong nakaraang taon ay kasama si Reyes sa mga dinala sa isang barangay hall sa San Pedro City, Laguna, matapos na lumabag umano sa health protocols habang naglalaro din ng bilyar.
"Gunun din doon, yung mga tao ayaw papigil. Distance naman yung gusto nila maglayo-layo, ayaw nilang papigil. Lalong dumadami, nagalit yung ano... yung mga pulis," ani Reyes.
Sinabi rin ni Reyes na mag-iingat na siya sa mga susunod na mag-iimbita sa kaniya.
"Hindi naman nawawalan talaga ng maraming tao, player nila magaling pa, pumupusta yung mga tao. Kami naman, hindi naman eh, bayad nga ako doon. Papaalam na lang sa munisipyo kung puwede, kung paano makakapaglaro kami kahit maraming tao. Dapat ipaalam ng mga organizer," dagdag niya.
Sinubukan na kunan ng pahayag ang nag-organisa ng bilyaran tumanggi pa ang pulisya na iharap siya, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News