Isang retiradong pulis ang nahuli sa akto ng kaniyang misis habang may kasamang ibang babae sa loob ng kuwarto ng isang inn sa Davao City.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, makikita sa video ang misis nang pinasok ang inn na pinuntahan ng kaniyang mister at kaulayaw umano nitong babae na sinasabing isang guro.
Nang buksan ng misis ang pinto, nakita niya ang kaniyang mister na nasa loob ng kumot kasama ang babae sa ibabaw ng kama.
Ayon sa misis, matagal nang nambabae ang kaniyang mister kaya minabuti niyang hulihin na ito sa akto.
Inaresto ng mga pulis ang mister at ang kasama niyang babae.
Ayon sa pulisya, nahaharap sa reklamong concubinage at paglabag sa anti-violence against women and their children (VAWC) ang lalaki, na hindi na nagbigay ng pahayag.
Reklamong adultery naman isinampa sa babae na nakalaya matapos magpiyansa.--Jamil Santos/FRJ, GMA News