Nasawi ang isang lalaking umiinom sa restobar habang sugatan ang kaniyang kasamahan matapos silang barilin ng isang lalaki mula sa kabilang mesa sa Tabuk, Kalinga.

Base sa report ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din sa Unang Balita nitong Martes, makikita sa isang video ang pag-iinuman ng dalawang grupo ng mga lalaki sa magkabilang mesa sa Barangay San Juan.

Ilang saglit ang lumipas, tumayo ang isang lalaki mula sa isang grupo, bago bumalik na tila may kinukuha sa kasamahan.

Inaawat naman ang lalaki ng kaniyang mga kasamahan.

Pero sumugod ang suspek sa isang lalaki sa kabilang mesa at pinaputukan ng baril.

Nasawi ang biktima na kinilalang si Joegie Cabicungan, habang sugatan ang kasamahan nitong si Orland Dave Pascual.

Dinakip ang ilan sa mga kasali umano sa gulo, na wala pang pahayag. —Jamil Santos/VBL, GMA News