Natagpuang patay ang isang 22-anyos na lalaki matapos umano pagsasaksakin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng isang sementeryo sa Barangay Sta. Ana sa San Mateo, Rizal.
Sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB, kinilala ang biktima na si Jayson Honorio, isang construction worker.
Ayon sa mga tauhan ng Barangay Sta. Ana, pasado alas-sais ng umaga nang matagpuan ang katawan Honorio na duguan at nakasalampak sa isang museleo sa General Luna Street ng Himlayang Katoliko Cemetery.
Batay sa inisyal na impormasyon mula sa San Mateo Police, tadtad ng saksak ang katawan ng biktima.
Samantala, sinabi naman ng ama ng biktima na tatlong linggong hindi umuwi sa kanilang bahay ang kanyang anak matapos maglayas.
Binaggit din ng ama na naglayas si Honorio matapos niya itong mapagalitan dahil sa pakikipag-barkada.
Batay naman sa salaysay ng mga kapatid ng biktima, kalalaya lang daw umano nito matapos makulong dahil sa paglabag sa curfew.
Sa ngayon, hinihintay pa ang mga tauhan ng Scene of Crime Operatives (SOCO) para iproseso ang bangkay ng biktima at crime scene. —LBG, GMA News