Hindi adventure o libangan, kung hindi dala ng pangangailangan ang dahilan kaya buwis-buhay na nagsi-zipline ang mga residente sa isang barangay sa Santa Maria, Laguna upang makatawid sa ilog.
Sa video ng GMA News Feed mula sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, makikita na lumang kable ng telco ang ginamit sa zipline na nakatali ang magkabilang dulo sa puno sa Barangay Aida.
Gumagamit din ang mga reisdente ng sanga ng puno na kanilang kinakapitan sa pagpapadausdos. Kapansin-pansin na wala silang harness o anumang protective gear.
Kaya naman hindi maiwasan ng ilang opisyal ng barangay na mangamba na baka makabitiw o madisgrasya ang gumagamit ng zipline para makatawid sa kabilang bahagi ng ilog, lalo na ang mga bata.
Napag-alaman na dati silang may hanging bridge pero nasira nang magkaroon ng malakas na bagyo at matangay ng rumaragasang tubig sa ilog ang tulay.
Ngunit sa kabila ng panganib, tuloy sa paggamit ang mga tao ng zipline dahil malayo umano ang iikutin nila kung maglalakad upang makatawid sa ilog.
Kaya umaapela ang mga residente sa lokal na pamahalaan na magawan na sila ng mas maayos na tulay.
Ayon naman sa Office of Municipal Engineer, nasa plano na ang paglalagay ng tulay sa barangay. Bago matapos ang Setyembre, sisimulan ang pagtatayo ng pundasyon nito.
Kaya nakikiusap din ang mga opisyal na huwag na sanang gamitin ang zipline para maiwasan ang aksidente.--FRJ, GMA News