Kagimbal-gimbal na krimen ang nangyari kamakailan sa Balingasag, Misamis Oriental nang silaban nang buhay ang isang 75-anyos na lola. Ang mga suspek sa karumal-dumal na krimen, mismong mga anak at apo niya. Bakit nga ba nila ito ginawa sa kaawa-awang biktima?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," binalikan ni Erlinda ang lugar kung saan sinilaban ng buhay ang biktima na kaniyang ina — na si Lola Teofila.
Kuwento ni Erlinda, panganay na anak, buhay pa ang kaniyang ina nang makita niya. Mag-isa raw itong gumapang palayo sa tumpok ng mga kahoy kung saan siya sinunog ng kaniyang mga anak at apo.
May nakita raw si Erlinda na papel sa lugar na pinangyarihan ng krimen na nakasulat ang dasal na inusal ng mga suspek habang sinisilaban ang kaniyang ina.
Napag-alaman na pare-parehong miyembro ng isang sekta o kulto ang magkakamag-anak. Si Lola Teofila, sadya raw relihiyosa at madasalin, ayon kay Erlinda.
Pero dakong 2:00 am noong Agosto 26, bigla raw sinaniban ng kaluluwa ng lider ng sekta ang apo ni Lola Teofila na si Crisanto.
Sinabihan umano si Crisanto na siya ang itinalaga na magiging bagong hari na magtatayo ng bagong kulto.
Dito na raw ginising ni Crisanto at mga kaanak si Lola Teofila at inutusang umanib sa bagong kulto ng apo. Gayunman, tumanggi ang biktima.
Dahil sa paniniwalang makasalanan si Lola Teofila, inutusan umano ni Crisanto ang mga kamag-anak na sunugin nang buhay ang biktima.
Ayon kay Erlinda, pinapasayaw pa raw ng mga suspek ang kaniyang ina, sinasampal at sinisipa.
"Sa iyak ko lang ngayon na sobra, mas lalo doon na kitang-kita ko nanay ko na lahat lapnos sa likod," sabi ni Erlinda.
Naisugod pa niya sa ospital si Lola Teofila at nakapagsalita pa ito na, "Linda, mabuhay pa kaya ako?'"
"Sabi ko, 'Mabuhay ka pa 'nay,'" ani Erlinda.
Pero pagkaraan lang ng ilang oras sa ospital, nag-cardiac arrest ang biktima at pumanaw.
Nakakulong ngayon ang 11 suspek na kaanak ni Lola Teofila, at nahaharap sila sa reklamong parricide, kaso na hindi maaaring makapagpiyansa ang akusado.
Gayunman, mapatawad pa kaya ni Erlinda at iba pa nilang kaanak ang mga suspek na kanila ring kadugo? Nagsisisi kaya ang mga suspek sa kanilang ginawa sa kanilang Lola Teofila? Panoorin ang kanilang paghaharap at paglalabas ng sama ng loob sa video na ito ng "KMJS." —FRJ, GMA News