Isang puno ng saging sa Mauban, Quezon ang agaw-pansin at viral ngayon sa social media matapos itong mamunga ng libu-libong prutas.
Ayon sa ulat ni Kuya Kim sa “24 oras” noong Biyernes, itinanim ni Edgardo Borromeo ang puno ng saging sampung taon na ang nakalilipas.
Kalaunan, napansin na lang ni Borromeo na patuloy umanong namumunga ang puno ng mahahabang kumpol.
“Punong-puno ng bunga, siksik, hindi lang siguro dalawang libo ang laman niyan. Mahirap kuhain ang bunga, dikit-dikit,” aniya.
Anong klaseng saging ito? Sinabi ni agricultural biotechnologist Kohlin Lallabban na isa itong variety na kung tawagin ay banana thousand fingers.
Dagdag pa ni Lallabban, ang banana thousand fingers ay isang normal na variety ng puno na nagtataglay ng 100 hanggang 1,000 pirasong bunga.
Ayon kay Victor Cruz na nag-upload ng litrato at video ng puno ng saging sa social media, namangha siya sa buwig na halos kasing tangkad na niya at hitik sa bunga.
Samantala, plano naman ni Borromeo na ipamigay ang mga saging sa kanyang mga kapitbahay kapag hinog na.
“Ang daming natutuwa dito, mga bata tuwang-tuwa. 'Kumuha na lang kayo diyan, pitas na lang kayo,” ani Borromeo.—Mel Matthew Doctor/AOL, GMA News