Tatlong menor de edad ang sugatan matapos silang masaksak sa rambulan na nagsimula raw sa sagian na nangyari sa labas ng isang eskuwelahan sa Tuguegarao City, Cagayan.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita ang isang lalaki na pinagtutulungang gulpihin ng isang grupo ng kalalakihan.
Maya-maya lang, may isa na bumunot ng patalim at nanaksak bago tumakas.
Ayon sa pulisya, dalawa sa mga biktima ang nakalabas na ng ospital habang nanatili pa sa pagamutan ang isa dahil sa tinamong saksak sa tagiliran.
Pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang nanaksak.
Magkakaibigan umano ang mga biktima na magpa-practice ng softball nang masagi ang suspek.
“Itong ating biktima ay nasagi lang po noong suspect at doon na po yung umpisa ng kanilang pag-initan,” sabi ni Police Lieutenant Rosemarie Taguiam.
Nagkasundo naman ang lokal na pamahalaan, Department of Education at PNP, na kausapin ang mga magulang ng mga bata at maigtingin ang seguridad sa labas ng eskuwelahan.
“There are security guards, but medyo malayo doon sa insidente nandon sila sa may jeep yung police po natin meron nagpa-patrol outside, not inside. Kasi as much as possible po sana iniiwas din sana natin na makapasok sa school ang pulis, since that’s not allowed,” sabi ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting Que. -- FRJ, GMA News