Kahit may CCTV camera sa loob ng tindahan, walang takot na umatake ang isang grupo ng shoplifters na nakatangay ng mga panindang aabot ang halaga sa P50,000.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, makikita sa CCTV ang pagpasok ng ilang katao at pasimpleng tumitingin ng mga paninda.
Ang iba, pumuwesto malapit sa kahera, habang ang iba, sinimulan ang paglalagay ng ilang paninda sa bag at mayroon ding naglagay sa loob ng kanilang kasuotan.
Mapapansin na halos nasimot ang mga panindang delata na nasa isang estante.
"Napag-alaman namin na iisang grupo sila kasi noong time na naglalagay sila ng gamit... ng mga items na ninanakaw nila, nakikita nila yung bawat isa. Siguro yon yung parang modus nila," ayon kay David Castro Ciano Jr., may-ari ng tindahan.
Sinabi rin ni Ciano na nilito ng mga kawatan ang kahera at mga staff para hindi makita ang kanilang ginagawa.
"Huwag gawing normal yung pagnanakaw, alam naman nila na CCTV doon. Sana magpakita naman sila ng magandang example na sa edad nila na 'yon, may iba pang paraan para kumita," mensahe ni Ciano.
Batay sa kuha ng CCTV, tatlong babae at limang lalaki ang magkakasabwat na nasa loob ng tindahan. Posible umanong may kasabwat pa ang mga ito sa labas na nagsilbing lookout.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga kawatan.
Makatutulong daw ng malaki ang kuha ng CCTV.--FRJ, GMA News