Naghanda na ang lokal na pamahalaan ng Batanes at ng Cagayan, at gayundin ang mga residente sa pinangangambahang pananalasa ng bagyong Henry sa northern Luzon.
Iniulat ni Ivy Hernando ng GMA Regional TV Balitang Amianan sa Unang Balita nitong Biyernes na abala ang ilang residente sa Barangay San Antonio sa Basco, Batanes sa paglagay ng tapangko o window shutters.
Naghahanda na rin umano ang pamunuan ng Batanes National Science High School (NSHS) laban sa posibleng paghagupit ng bagyo.
Maglalagay din daw sila ng tapangko sa mga bintana, lalupa't isa umano ang kanilang eskwelahan na napuruhan noon ng bagyong Kiko.
Inabisuhan na rin umano ng provincial government ang mga mangingisda na ilagay sa ligtas na lugar ang kanilang mga bangka upang hindi mapinsala.
Gayundin, pinayuhan ang mga magsasaka na ilagay sa ligtas na lugar ang kanilang mga alagang hayop, at anihin na ang mga pwede nang anihin sa kanilang mga pananim.
Samantala, nakatali na ang mga bubong ng ilang mga bahay sa Aparri, Cagayan, bilang paghahanda sa posibleng pananalasa ng bagyong Henry.
Dagdag ng ulat, hindi pa umano nakabangon ang ilang mga residente sa pinsalang idinulot ng nagdaang bagyong Florita na nanalasa sa Cagayan noong nakaraang linggo.
Naka-red alert status na rin umano ang Cagayan at mahigpit na ipinatutupad ang no-fishing, no-sailing, at no-swimming policies sa lalawigan.
Nakabantay naman ang lokal na pamahalaan ng Aparri sa mga residenteng nakatira sa tabingdagat, kung saan posibleng magpatupad ng forced evacuation sakaling makaranas ang lugar ng malakas na ulan.
Tiniyak naman ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2, at Department of Social Welfare and development (DSWD) na sapat ang mga food pack na nakapre-position na bago pa man maramdaman ang epekto ng bagyo. —LBG, GMA News