Bangkay na nang maiahon ang isang 13-anyos na binatilyo na nagtangkang maligo ngunit nadulas sa ilog sa Batangas City.
Sa ulat ni Paul Hernandez ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, kinilala ang biktima na si Ray Ezekiel De Castro.
Ayon sa report ng Batangas City Police, umalis ang biktima kasama ang mga kaibigan bandang 1 p.m. ng Lunes para maligo sa ilog.
Gayunman, hindi na nakauwi sa kanilang bahay si De Castro matapos maaksidenteng madulas at hindi na nakaahon pa.
Ayon sa residenteng si Maria Anne Pagal, isang mangingisda ang nakakita sa wala nang buhay na biktima.
Dagdag pa ni Pagal, wala umano silang narinig na komosyon sa lugar para humingi ng saklolo.
Martes ng umaga nang maiahon ang mga labi ng binatilyo, na agad dinala sa punerarya.
Sinubukan ng GMA Regional TV Southern Tagalog na tawagan at i-text ang pamilya ng biktima pero hindi pa sila sumasagot.
Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up investigation ang mga awtoridad sa insidente. —LBG, GMA News