Naniniwala ang ina ng 15-anyos na si Princess Marie Dumantay na natagpuan ang bangkay sa Bulacan, na hindi lang isang tao ang pumaslang sa kaniyang anak.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, nagpasalamat sa mga awtoridad ang ina ni Princess na si Perlita Conde, sa mabilis na pagkakaaresto sa suspek na si Gaspar Maneja Jr.

“Bilang magulang sa aking pakiramadam, hindi lang ito nag-iisang gumawa sa anak ko. Alam kong mayroong kasama itong gumawa sa anak ko. Alam mo, konsensiya mo ‘yung ginawa mo sa anak ko,” saad ni Conde.

Naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) si Maneja sa kaniyang bahay sa Pamplona, Camarines Sur.

Nakita doon ang itim na sasakyan na pinaniniwalaang ginamit para itapon ang bangkay ni Princess sa madamong bahagi sa Bustos, Bulacan na nakita noong Agosto 12.

Sinasabing nakilala ni Maneja si Princess sa isang bikers’ group.

“Na-trace natin siya sa area ng Pamplona kung saan doon namin siya nakuha sa bahay niya. Pero bago siya umuwi sa bahay, nagtago pa ito sa gubat,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Mederic Villarete, CIDG Camsur Chief.

Tipid sa pagkomento si Maneja pero sinabi niyang makikipagtulungan siya sa imbestigasyon. Humingi rin siya ng paumanhin sa kaniyang pamilya.

“Siguro po hingi muna ako ng tamang taong mag-a-ano sa akin kung ano po ang tamang gawin. Magulo rin po ang sitwasyon ko ngayon. Pasensiya na po. Makikipag-cooperate po ako. Sasabihin ko naman yung tama at totoo po,” ayon sa suspek.

Ayon sa pulisya, inamin ng suspek ang krimen. Nasa ilalim na siya ng kostudiya ng  Bustos, Bulacan Police, at nahaharap sa kasong rape at murder.

Sinabi ni PNP-CIDG Chief PBGen. Ronald Lee, na naging matagumpay ang pagtugis sa suspek dahil sa pagtutulungan ng provincial police ng Bulacan at Camarines Sur.

Hiling kay Pres. Marcos

Una rito, umapela si Conde kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gumamit ng kamay na bakal sa pagharap sa mga krimen laban sa kababaihan.

“Parang-awa ninyo na mahal na Pangulong Marcos, pakinggan ninyo ang mga biktima, ang mga kadalagahan na nawawala dito sa ating bansa. Pakiusap po gumamit po kayo ng kamay na bakal. Kawawa naman po kaming mga kababaihan, ang aming mga anak na siyang pasibol pa lang pero anong nangyayari? Nasaan ang ating batas?,” apela ng ginang nang humarap sa television program ng PNP.

“Pangulo, parang awa ninyo na hindi lang po ang aking anak ang nabibiktima dito. Marami pa pong nauna. Paano pa po kung hindi ‘yan masusupil ng ating mga kapulisan? Paano na po ang iba pang mabibiktima. ‘Wag naman po sana maulit pa ang ganito. Pakiusap ko po sa inyo mga mambabatas, kapulisan, lahat ng gobyerno, pakiusap, i-ano natin ang batas na bakal sa mga demonyo at walang-awang suspek na ito,” patuloy ni Conde. --FRJ, GMA News