Patay ang isang lalaki at sugatan naman ang kaniyang menor de edad na anak sa pananaksak sa loob mismo ng kanilang bahay sa Roxas City, Capiz.

Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes -- base sa impormasyong nakalap ng GMA Regional TV One Western Visayas -- kinilala ang biktima na si Jun Mencedez, principal sa isang pampublikong paaralan sa bayan ng Mambusao.

Nakuhanan pa sa isang cellphone video ang nakahandusay at duguang katawan ng biktima na nagtamo ng mga saksak sa katawan.

Sinubukan pa umanong isugod sa ospital si Mencedez ngunit idineklara ring dead on arrival.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, unang sinaksak ng suspek ang 9-anyos na anak na babae ng principal.

Humingi umano ng tulong ang bata sa kaniyang tatay na agad namang sumaklolo kung kaya’t siya ang napagbalingan ng suspek na napagalamang isa ring menor de edad.

Agad namang nagsagawa ng follow-up operations ang mga pulis at nadakip ang suspek sa kaniyang bahay.

Inaalam pa ang motibo ng suspek . —Alzel Laguardia/LBG, GMA News