Dalawa katao ang nasawi at apat pa ang sugatan nang banggain ng isang pampasaherong jeep ang isang tricyle at dalawang motorsiklo sa Tanay, Rizal. Ang driver ng jeep, nakatulog daw sa biyahe dahil sa sobrang puyat matapos makipaglamay sa burol ng kapatid.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang trahediya sa highway sa bahagi ng Barangay Plaza Aldea.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang pagsalpok ng jeepney sa dalawang motorsiklo na nasa gilid ng kalsada.

Isang rider ang sakay sa motorsiklo, habang pasakay na sana ang isang babae sa isang motorsiklo na may sakay na rider.

Bago banggain ang dalawang motorsiklo, unang nasalpok at nakaladkad ng jeep ang isang tricycle, at nahagip din ang ilang tao na nakatayo sa gilid ng daan.

Kinilala ang driver ng jeep na si Virgilio Duran, na nakatulog umano habang namamasada dahil sa sobrang puyat sa pakikipaglamay sa patay.

"Galing daw siya sa lamay ng kaniyang kapatid. Tapos nung kinaumagahan bumiyahe, sobrang puyat niya, nakatulog siya sa jeep habang nagda- drive," ayon kay PSSG. Alnasim Kimsuan, investigator, Tanay Police Station.

May sakay din na pasahero sa jeepney ni Duran na mapalad na nakaligtas.

Nahaharap sa patong-patong na reklamo si Duran.--FRJ, GMA News