Patay na at nakasilid sa sako nang matagpuan ang isang pitong-taong-gulang na babae sa Pila, Laguna. Higit isang buwan pa lang ang nakalilipas nang may katulad na krimen na nangyari sa San Pedro sa Laguna rin.
Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, sinabi ni Erna Amadeo, na naglalaro lang sa labas ng bahay ang kaniyang anak na biktima nitong Lunes ng gabi sa Barangay Masico, nang bigla itong mawala.
Nang araw din iyon, may nakitang sako sa likod ng bahay ang kanilang kapitbahay.
Ayon kay Edmundo, ama ng biktima, nang buksan niya ang sako ay nakita ang bangkay ng kaniyang anak.
Walang saplot ang bata at may lupa umano ang mata at bibig nito.
Hinala niya, pinagsamantalahan ang kaniyang anak.
"Ginawa nilang baboy ang anak ko. Walang kalaban-laban," hinanakit ni Erna.
"Dapat yung ganung klase ng tao hindi na mabuhay," sabi ni Edmundo.
Ang 14-anyos nilang kabarangay na marami na umanong reklamo ang hinihinala nilang nasa likod ng krimen.
Pinuntahan ang bahay na tinutuluyan ng naturang menor de edad pero walang tao na puwedeng hingan ng reaksyon, ayon sa ulat.
Matatandaan na noong nakaraang Hulyo, isang pitong-taong-gulang na babae rin ang nakitang patay at ginahasa sa isang bakanteng paupahang kuwarto sa San Pedro City.
Dalawang menor de edad na kapitbahay ng biktima ang lumitaw na suspek sa krimen.--FRJ, GMA News