TAYABAS CITY, Quezon - Nasawi ang apat na college student matapos sumalpok sa likod ng isang truck ang sinasakyan nilang AUV sa Tayabas City, Quezon nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Nangyari ang aksidente sa Maharlika Highway sa Barangay Calumpang pasado alas-tres ng umaga.
Base sa report ng Tayabas City Police, mabilis ang takbo ng AUV habang patungo ito sa direksyon ng Sariaya, Quezon nang sumalpok ito sa likod ng sinusundang truck sa hindi pa matukoy na dahilan. Nanggaling sa lungsod ng Lucena ang mga biktima.
Sa tindi ng pagsalpok ay nawasak ang AUV at naging pahirapan ang pag-rescue sa mga sakay nito. Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan at ulo ang mga biktima na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.
Nasawi ang apat na estudyante sa kolehiyo matapos sumalpok sa likod ng isang truck ang sinasakyan nilang AUV sa Maharlika Highway, Tayabas City, Quezon. @dzbb @gmanews @gmanewsbreaking pic.twitter.com/UUPcnOXv7l
— peewee bacuño (@PeeweeBacuno) August 17, 2022
Kinilala ang mga nasawi na sina
- Juan Carlos Alvarez, 22-anyos;
- Enrique Garcia, 20-anyos, driver;
- Marga Elaine Ramirez, 18-anyos; at
- Mikaela Jeuel Solomon, 23-anyos.
Kuwento raw sa mga pulis ng driver ng truck na si Cipriano Hernandez, dahil sa sobrang bigat ng kanyang kargang produkto ay hindi niya namalayan na may sumalpok na palang sasakyang sa likod ng truck.
Nakaladkad pa raw ang AUV ng 20 metro.
Nasa kustodiya ngayon ng Tayabas City Police ang driver ng truck. —KG, GMA News