Naging usapan ng netizens ang hair braid service o pagtitirintas ng buhok sa isang dayuhang babae sa Boracay, dahil overpriced ito umano sa halagang P16,000.

Makikita sa isang larawan mula sa Malay Tourism Office, na makikita rin sa Unang Balita nitong Biyernes, ang larawan ng turistang babae na nakatirintas ang kaniyang buhok ng iba't ibang kulay.

Itinanggi ng grupong Malay Boracay Vendors Hair Braiders Association na labis ang paniningil nila sa turista.

Sinabi ng presidente ng asosasyon na si Jomar Saan na may sinusunod silang taripa sa kanilang hair braiding service.

Bukod dito, ipinaliliwanag din nila sa kanilang mga kliyente ang mga kailangang bayaran bago umpisahan ang pagtirintas.

Ayon sa taripa na ipinakita ng grupo, nasa P200 hanggang P1,000 ang singil sa hair braiding service, at may mga dagdag na singil, depende sa gustong disenyo ng kliyente.

Depensa pa ng asosasyon, umabot sa P16,000 ang presyo dahil tinirintas ang lahat ng buhok ng bata at may ipinalagay pa siyang iba't ibang kulay.

 

Sa isang social media site, na iniulat sa GMA Regional TV One Western Visayas, makikita ang palitan ng mensahe ng magulang ng batang babae sa larawan at ng braiders.

Nagkasundo ang kliyente sa presyo at walang reklamo sa panig ng turista.

"Bilang isang lider ng MABOVEN Association, walang katotohanan na nag-overpricing kami kasi ang sinusunod po namin is iyong based on tariff price. Iyon po ang sinusunod namin at nakadepende po sa bisita 'yan kasi ang bisita or ang guest may choice po iyan kung afford niya ang prices o hindi," sabi ni Saan.

Inamin naman ni Malay Tourism Officer Felix delos Santos na tunay umabot sa P16,000 ang binayaran ng turista.

"Kasunduan sa pagitan ng turista at ng hair braider. Actually, umabot ng P16,000 pero buong buhok at may mga extension at ginamitan pa ng iba't ibang klase ng yarn o thread. So may mga ganyang mahal talaga ang klase," sabi ni delos Santos.

Sinabi ng Malay LGU na ang nagpost ng nasabing larawan ay isang hotel owner sa Boracay.

Nauna nang inilahad ng Sangguniang Bayan ng Malay na ikinalulungkot nila ang insidente, at tiniyak na matatalakay sa kanilang sesyon ang insidente. —LBG, GMA News