Tinamaan ang Quinawan Integrated School sa Bagac, Bataan ng mudslide bunsod ng ilang araw na pag-uulan.
Ayon sa Unang Balita, sinabi ng mga awtoridad sa GMA Regional TV Balitang Amianan na lumambot ang lupa sa likod ng paaralan kaya bumigay ang slope protection nito.
Dumausdos at pumasok ang putik sa loob ng ilang classrooms.
Inerekomenda naman umano ng Mines and Geosciences Bureau na huwag munang ipagamit ang mga silid-aralan upang maiwasan ang anumang sakuna.
Nakipag-ugnayan na umano ang lokal na pamahalaan sa Department of Education tungkol sa estado ng classrooms.
Samantala, maghahanap lang daw muna ang mga lokal na opisyal ng alternatibong lugar na maaaring pansamantalang gamitin ng mga estudyante sa nalalapit na pasukan. —LBG, GMA News