Isang bata na apat na taong gulang ang nalunod matapos mahulog ang sinasakyan niyang tricycle sa irigasyon sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, makikita ang ilang kalalakihan na sinisisid ang irigasyon sa bahagi ng Barangay Bakod Bayan para hanapin ang biktima.
Una nilang naiahon ang tricycle na nahulog at kaagad nilang tiningnan ang sidecar nito kung saan nakapuwesto ang bata nang mahulog ang sasakyan sa irigasyon.
Pero sa kasamaang palad, wala na sa sidecar ang bata. Pagkaraan ng ilang oras, nakita ang katawan ng bata na lumulutang sa irigasyon sa bahagi na ng kalapit na bayan ng Sta. Rosa.
Batay sa nakuhang impormasyon, sinabi ni Roel Causon, barangay tanod ng Bakod Bayan, kasama raw ng bata ang ama nito nang mangyari ang aksidente.
May natanggal daw sa pagkaka-welding sa ilalim ng tricycle na dahilan kaya ito nahulog sa irigasyon na may lalim na sampung talampakan.
Sinusubukan pang makuha ang panig ng pamilya ng bata, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News