Dalawang batang edad 11 ang parehong nalunod matapos tumalon sa lawa na inakala nilang mababaw lang sa Urbiztondo, Pangasinan. Ang ama ng isa sa mga biktima, humingi ng saklolo dahil hindi rin marunong lumangoy.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing nagtungo sa lawa ang ama kasama ang dalawang bata para mamingwit sa bahagi ng Barangay Pasibi West.
Ayon sa pulisya, pumuwesto ang mga biktima sa ilalim ng tulay. Sa pag-aakalang mababaw lang ang tubig, naligo ang dalawang bata.
Ngunit ayon sa pulisya, umaabot sa hanggang 10 talampakan ang lalim ng tubig kaya nalunod ang mga biktima.
Hindi rin marunong lumangoy ang ama ng isa sa mga nasawi kaya wala siyang nagawa kung hindi hintayin ang mga rescuer.
Wala nang malay ang mga bata nang maiahon sa tubig. Sinubukan din silang i-revive bago dinala sa ospital pero hindi na naisalba ang kanilang buhay.
Dahil sa nangyari, maglalagay na ng warning sign ang mga awtoridad sa ilalim ng tulay para hindi na maulit ang insidente.--FRJ, GMA News