Magkahalong galit at hinagpis ang nararamdaman ng isang ama sa Lupon, Davao Oriental matapos pumanaw ang kaniyang anak na lalaki dahil umano sa tetanus ilang araw makaraang tuliin sa health center.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing July 8 nang tuliin sa municipal health center ang 11-anyos na si Lear John Ilisan.
Ayon sa ama ni Lear na si Armando, dalawang araw pa lang makaraang matuli, may naramdaman na umano ang kaniyang anak pero inakalang normal lang iyon sa bagong tuli.
Ngunit kinalaunan pagkaraan pa ng ilang araw, nakaranas na ang bata ng lockjaw.
READ: How do you get tetanus? It's not just from rusty metals
Tatlong linggo makaraang matuli, binawian na ng buhay ang bata noong July 27.
"Sunday morning medyo ok pa siya. Tinawagan ko yung ang midwife sabi ko, 'Maam parang tetanus yata tong bata.' Mag-render pa rin tayo ng anti-tetanus. Pero naano niya yung tetanus lalong lumala," ani Armando.
Pinabulaanan naman ito ng midwife na nagtuli sa bata.
"Tiningnan ko ang tuli ng bata. Sinabihan ko ang magulang kung saan ba ako nagkamali. Saan banda, sabi ng ina ng bata, 'Gumaling na pala.' Sabi ko naman na may dala akong tetanus toxiod proteksyon ito para sa inyong anak, nagpaalam na rin ako sa papa ninyo," ayon kay Angelina Uyanguren, rural midwife.
Sa death certificate, nakasaad na respiratory failure ang sanhi ng pagkamatay ng bata bunsod ng generalized tetanus.
Iniimbestigahan na umano ng Department of Health ang insidente.--FRJ, GMA News