Nilinaw ng pulisya ng Basilan na walang kaugnayan sa pamilya ng suspek sa Ateneo shooting ang isang lalaki na binaril at napatay sa Lamitan noong nakaraang Sabado.
“We can confirm now the man killed is not related to Dr. Chao Tiao-Yumol or someone worked with his family,” ayon kay Police Colonel Pedro Martinez, provincial police commander ng Basilan.
Una rito, naglabas ang Lamitan police ng spot report noong Linggo na nagsasaad na isang rubber tapper na si Bhis Isniyan Yumol Asdali, ang binaril at napatay sa kaniyang bahay sa Lamitan City noong Sabado.
May mga netizen na inakalang paghihiganti kay Dr. Yumol ang naturang krimen, na nangyari ilang linggo matapos na barilin at mapatay ang ama nito na si Rolando Yumol sa labas ng bahay sa Lamitan din.
Si Dr. Yumol ang suspek sa pamamaril sa Ateneo campus sa Quezon City noong July 24, kung saan nasawi si dating Lamitan Mayor Rose Furigay, ang kaniyang executive aide na si George Capistrano, at security guard sa unibersidad na si Jeneven Bandiala.
Sa ginawang paglilinaw ng Lamitan police sa pinakabagong insidente ng pamamaril sa kanilang nasasakupan, inalis na nila ang "Yumol" sa pangalan ng biktimang rubber tapper na si Asdali.--Ferdinandh Cabrera/FRJ, GMA News