TAGKAWAYAN, Quezon - Sugatan ang driver at ang apat na pasahero ng isang kotse matapos itong mahulog sa isang kanal sa gilid ng Quirino Highway, Barangay San Diego, Tagkawayan, Quezon nitong Sabado ng gabi.
Bago mahulog sa kanal ang kotse ay nakailang ulit pa itong bumaliktad.
Base sa report ng Tagkawayan Municipal Police Station, dakong 7:40 ng gabi habang patungong Bicol ang mga biktima nang dumulas ang gulong ng kanilang kotse dahil sa basang daan dulot ng malakas na ulan.
Wasak na wasak ang kotse dahil sa tindi ng impact.
Sugatan ang mga sakay na ito.
Kaagad naman silang na-rescue ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at Bureau of Fire Protection - Tagkawayan.
Isinugod ang mga sugatan sa Maria L. Eleazar General Hospital sa bayan ng Tagkawayan.
Lahat sila ay ligtas na sa panganib.
Nagpaalala ang mga awtoridad sa mga biyahero na magdadaan sa Quirino Highway sa bahagi ng Tagkawayan, Quezon, na mag-ingat sapagkat madalas ang aksidente sa lugar lalo na kapag umuulan. —KG, GMA News