Ang simpleng pagpapalitan ng mga numero at mensahe, nauwi sa pag-iibigan sa pagitan ng isang tindera ng baka at negosyante ng kainan sa isang palengke sa Cebu City.

Sa ulat ni Pia Arcangel sa "Saksi" nitong Biyernes, sinabing nabuo ang magandang samahan nina Gladys Jabalde, tindera ng baka, at ni Henry Rubin, may negosyong kainan, sa Carbon Public Market.

Suki na ni Gladys si Henry hanggang sa may isang araw na nakalimot si Gladys.

Naubusan ng supply ng karneng baka noon si Gladys, at nakaligtaan niyang may order si Henry.

Dahil dito, si Henry na ang lumapit kay Gladys at hiningi ang contact number ng dalaga para mabilis silang magkausap tungkol sa order.

Mula sa pagpapalitan ng kanilang mga numero, nauwi na ito sa araw-araw nilang pag-uusap.

"Iingatan ko siya, ipapangako ko sa kaniya ang aking pag-aalaga dahil sa lubos kong pagmamahal sa kaniya," sabi ni Henry.

Nakatakda nang magpalitan ng "I do" sina Gladys at Henry sa Hulyo 30.

"I will do my best to be the best wife and bilang asawa mo na, magiging mabuti akong ina sa iyong mga anak at hindi ko sila pababayaan," mensahe ni Gladys kay Henry. —Jamil Santos/VBL, GMA News