Kalunos-lunos ang sinapit ng isang ginang na nalaglag mula sa sinasakyan niyang tricycle matapos silang salpukin sa likuran ng isang kotse sa Tarlac. Habang nakahandusay sa kalsada ang biktima, nahagip pa siya ng isang pick-up truck.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Marissa Antonio.
Sa kuha ng CCTV camera ng Barangay Anupul sa Bamban, Tarlac, makikita ang tricycle na sinasakyan ng biktima habang bumibiyahe nang bigla na lang itong salpukin mula sa likuran ng isang kotse.
Nalaglag sa kalsada ang biktima, habang hindi naman tumigil sa kotseng nakabundol sa kanila.
Habang nakahandusay pa sa kalye ang biktima, isang pickup truck pa ang dumating at nahagip din ang ginang.
Nasawi ang biktima dahil sa mga sugat na tinamo niya sa ulo at katawan.
Nakaligtas naman ang driver ng tricycle.
"Si Ate Marissa kasi yung victim, nandoon sa gitna [ng kalsada], habang nag-iimbestigan yung mga pulis natin doon medyo mabilis itong [pickup] at nahagip ngayon [yung biktima]. Kasi hindi masyadong maliwanag doon sa area na 'yon," ayon kay Police Leiutenant Mark Cera, Deputy Chief ng Bamban Police Station.
Ayon sa pulisya, sumuko ang driver ng pickup truck at pumayag ang pamilya ng biktima na makipag-areglo sa kaniya.
Pero nais ng pamilya ng biktima na mapanagot sa nangyari ang tumakas na driver ng kotse.
"Sana mabigyan ng hustisya yung pagkamatay ng nanay ko. Sana sumuko siya [driver ng kotse], sana makonsensiya siya. Sana hindi siya tumakbo sa nangyari sana buhay pa yung nanayko," ayon kay Angel Antonio, anak ng biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad at pinag-aaralan na ang kuha ng CCTV para matukoy ang pagkakakilanlan ng driver ng kotse.--FRJ, GMA News