Patay ang isang negosyante matapos siyang barilin habang nagmamaneho ng tricycle sa Calasiao, Pangasinan. Ang salarin, sakay ng motorsiklo at sinabayan sa kalye ang biktima.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Raymundo Tullao, 67-anyos, residente ng Barangay Ambonao sa nabanggit na bayan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na minamaneho ng biktima ang kaniyang tricycle at sakay ang kaniyang live-in partner.
Galing umano sa bayan ng Bayambang ang dalawa at patungo sa bayan ng Calasiao nang barilin ang biktima sa pagbabarilin sa Barangay Macabito.
Ayon sa pulisya, sinabi ng live in partner ni Tullao na isang putok ang kaniyang nadinig at inakala niyang may pumutok lang na gulong dahil gumilid ang kanilang tricycle.
Sa pagkakataong iyon, tinamaan na pala ng bala ng baril sa likod ang biktima.
Pero tumabi pa sa kanila ang salarin na nakasakay sa motorsiklo at pinaputukan muli sa ulo ang biktima.
Hindi naman nasaktan ang kasama ng biktima.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring krimen, habang wala pang pahayag ang mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News